Tuesday, September 2, 2008

MGA KOLEKTOR NAGING JANITOR AT KARGADOR, BISOR GINAWANG TAU-TAUHAN, MGA AMUYONG NAGING MGA ADMINISTRADOR (Isang Kwento Mula Sa Telepono)

Tikatik ang pawis ko, galugad ko ang Metro Manila, umaabot pa nga ako ng Cavite, Pampanga, Batangas at Laguna. Kung makapagsasalita lang ang bulok kong motorsiklo matagal na sana itong nagreklamo. Pero wala kami parehong magagawa , kailangan makapaningil sa mga tao sa produktong matagal ng inaayawan at isinusuka, dahil kung hindi baka magalit ang amo kong walanghiya. Sige lang kayod lang, ginagawa ko naman ito alang-alang sa aking mahal na pamilya . Minsan kinakapos, nagagamit ko ang perang ibinayad sa akin ng kliyente, kahit alam kong mali ang mahalaga makakaraos kami sa maghapon at bukas ko na lang iisipin kung kailan at paano maibabalik ang pera sa opisina. Ilan na bang kasamahan ko ang natanggal ng trabaho dahil sa ganitong sistema? Ganuon din naman kasi, gumawa ako ng masama o mabuti, masama pa rin ang iniisip nila dahil sadyang mapaghinala ang tao. Akala mo ba lagi kang nangdaraya? Huwag sana akong matulad sa aking mga kasama, dating kolektor aba’y ginawang janitor at kargador. Yung una kong kasama, dati-rati manibela ng motorsiklo ang hawak-hawak , ngayon maghapong walis at basahan ang tangan-tangan ng pobre. Kung malas-malas pa, haharapin ang masangsang na kasilya, luluhuran at animo’y dinadasalan mapawi lang ang dumi at baho nito. Nakainitan kasi dahil wala ng makolekta sa mga “account” na pinagsawaan ng mga naunang kolektor at matagal ng nilalangaw. Nakalulungkot kung iisipin mo. Sa hinaba-haba ng panahon ganito lang and sasapitin niya. Ito naming ikalawa, nahuling nandaraya sa oras, imbes na mangolekta ay umuuwi daw ng bahay upang mamasada ng tricycle. Hindi ko alam kung totoo o hindi basta ang alam ko ginawa na lang siyang kargador at itinapon at ikinulong sa madilim na bodega. Naging tagasalansan ba ng mga encyclopediang inaamag at nabubulok na? Ito namang dati naming Bisor, nahuling nang-uumit inalisan ng katungkulan at ginawang tau-tauhan. Pero nuong araw akala mo kung sino, laging mainit ang ulo at paangil kung kumausap ng tao.Pero kapag andiyan na ang amo , hindi alam ang gagawin isang sutsot lang akala mo ulol na aso. Nabababahag ang buntot at takot na takot dito. Nakalkal kasi ang gawang multo, pilit mang ikubli hindi na nagawang itago at inamin na lang ng tuluyan. Ayaw mang lisanin ang pwestong noon ay pinamayagpagan at pinagsasaan, pero ano pang magagawa kung pinagtatabuyan na at inaayawan? Ang sakit naman! Parang sasabog and dibdib niya, pakiramdan ko pati mundo niya gumuhong bigla. Wala na ang dati kong Bisor pero alam ko nakatatak na sa kanyang isip at puso ang mapait na alaala, na kahit sino man ay hindi na nanaising balikan pa. Dalangin ko lang huwag sana maulit ang nangyari sa mga taong humalili sa kanya dahil pakiwari ko tila isang sumpa ang pwestong nilisan niya. Kung kamalasan ang inabot ng mga nabanggit ko, aba'y may mga kasama rin naman akong tila jackpot sa lotto ang tinamaan. Utusan dati,tagatipa ng makinilya, taga timpla ng kape, tagasulat ng dikta at yung isa imbestigador ng mga bagay na walang kakwenta-kwenta . . .abay akalain mong naging mga administrador? Kung dati-rati hindi sila pinapansin ngayon sila na ang tinitingala at kinatatakutan ng marami. Sumbong dito, sumbong doon, memo dito at memo duon, ito ang kanilang sandata at sikreto kaya mahal na mahal nga naman ng amo, animo sila lang ang tao na gustong mabuhay sa mundo. Walang pakialam kung nakakasakit o nakapeperwisyo at tila nawala na ang habag sa puso at katinuan ng pagkatao. Eh, ano ba sa kanila kung magsabi sila ng kasinungalingan? Maniniwala ba sa katotohanan at katarungan ang kanilang pingsisilbihan? Pilit silang nilalayuan dahil pakiramdam ng karamihan sila ay dinadarang ng mga katawan nilang nagniningas. Hoy! Nakakaawa kayo! Kahit man lang sa mga anak ninyo mahiya kayo!Namnamin ninyo ang kasarapan dahil ngayon ay malapit na kayo sa tuktok at pag naabot nyo na ang tugatog may masusulingan pa kaya kayo? Paghandaan lang ang pagbulusok dahil kung ano ang ginawa sa kapwa ay siya rin ang aanihing tama at sabay ang galabog. Ito namang mga kasama ko tila mga pipi pa rin at mga bingi. Gumuguho na nga ang templo ng Diyablo ayaw pa ring kumaripas ng takbo.Ngayon pa ba tayo mahihintakutan? Matagal din tayong nagtiis. Inalila at inalipusta. Bakit hindi tayo magsama-sama at ipaglaban ang nararapat? Huwag nating daanin sa kapusukan at galit dahil lahat naman ng bagay ay may kaparaanan at maaaring makuha sa hinahon. Kung may katuwiran bakit hindi natin ipaglaban at panindigan ang prinsipyong ipagmamalaki ng ating mga anak? Huwag tayong panghinaan ng loob dahil humuhupa ang bawat unos na nagdaraan sa ating mga buhay. Patawarin natin ang sa atin ay mga nagkasala , bigyan sila ng mga aral at kalimutan ng ganap. Manalig lang tayo sa ating mga sarili at higit sa lahat sa ITAAS . . . at tinitiyak kong hindi-hindi NIYA tayo pababayaan.

Stronger Than Impressions