Tuesday, March 4, 2008

BOSS KA BA O BusaBOSS?

Kapangyarihan, sino ang may ayaw dito? Marami sa atin ang naghahangad nito kahit pa nga sabihing ang pagkakaroon nito ay isang malaking responsibilidad na animo’y malaki at mabigat na bato na ipapatong natin sa ating mga balikat. Sa ating pamahalaan marami ang nagkukumahog na maluklok sa kapangyarihan at gagawin ang lahat mapasakanila lamang ito. Dayaan, suhulan at kung anu-ano pang ilegal at iregularidad ang labanan para mapasakamay lamang ang kapangyarihang hangad. Huwag na tayong lumayo ng usapan, Gawin na lang natin ang isang magandang halimbawa ang kalakaran sa isang opisina. Mahigpit ang kumpetensiya . Credentials, tenureship, kamag-anak system, (o kung magaling kang sumipsip o manira ng kasamahan mo medyo lamang ka na) ilan sa mga batayang tinitignan ng ilang opisina upang italaga ang isang empleyado sa isang mahalagang posisyon. Masarap nga naman ang pakiramdam kung ikaw ay narito na at tinitingala ng lahat ng buong galang at pagpipitagan. Masarap din pakinggan kung tinatawag kang 'Boss' o 'Sir' o 'Mam' at lahat ng iyong “under”ay nagpupugay sa tuwing ikaw ay daraan sa kanilang kinaroonan at nagkakandarapa sa pagtalima sa lahat ng iyong kautusan. Naaalala ko nuong ako ay namamasukan pa sa isang opisina sa Quezon City, kung paano pinipili ng Amo ang taong itatalaga niya sa isang Departamento. Nakakatawa na nakakainis (pero mas natatawa ako at pinilit ko na lang manahimik at magtrabaho sa sarili kong Departamento at nakuntento na lang sa pagmamasid sa mga nakakatawang nagyayari) Isipin mo na lang na isang batang paslit na naglalaro ng laruang tau-tauhan, puppet o robot… Ganuon ang naging batayan ng may ari ng kompanya sa pagpili niya ng mga Boss sa opisina. Nanghihinayang ako sa mga higit na qualified na piniling manatili sa kanilang kinalalagayan. Totoo nga na ang mga taong walang alam ay higit na maingay at maikukumpara mo sa isang lata ng sardinas na walang laman.Naaawa ako sa kanila pero totoong ang kapangyarihan ay isang liwanag nakasisilaw lalo na kung gipit ang iyong kalagayang at ang isinusubo sa iyo ay isang katakamtakam na pain na lalong nakapag aalab ng iyong gutom at uhaw at sa huli ay iyo ring isusuka kapag ikaw ay natauhan. Malaki ang paghanga ko sa mga taong piniling manatili sa kanilang kinalalagayan kaysa ipagpalit ang kalayaan nilang makapag desisyon sa sarili ng tama at ayon sa kanilang mga konsiyensiya. Saksi ako kung paanong ang mga dati kong kasamahan ay tanggalin sa kani-kanilang mga trabaho ng walang kalaban-laban kalakip ang masakit na pag alipusta sa kanilang mga pagkatao pagkatapos ng mahabang serbisyo sa kompanya. Walang nagawa ang mga Boss na ito kung di maging mga tuod at manhid sa mga nangyayari sa takot na sila ang pagbalingan ng galit ng may-ari..May saysay bang tawagin kang Boss kung alam mo sa sarili mo na hindi mo magawa at maipaglaban ang dapat at tama? Ipahamak ang iba para sa sariling kapakanan at kagalingan, lunikin ang sariling prinsipyo at paggalang sa sarili? O patuloy na pandarambong sa sarili sa pag aakalang iginagalang ka at itinitingala gayong pag nakatalikod ka ay halos murahin at isuka ka sa galit ng iyong mga kasamahan? Sabi nga sa pelikulang Spiderman “ Great power comes great responsibility”. Pero maliit man ang iyong kapangyarihan ay may kaakibat pa ring responsibilidad ---- sa LAHAT. Hindi lang sa iyong amo kungdi maging sa iyong sarili at sa lahat ng iyong nasasakupan. Responsibilidad mo na ipatupad ang tama at ayon sa kabutihang asal maging ito ay salungat sa paningin ng mga higit na nakatataas sa iyo kahit pa ito ay maging kapalit ng lahat ng iyong tinatamasa sa kasalukuyan. Kung hindi mo kayang gawin ito - - - hanggang kailan ka magiging tau-tauhan at magbubulag-bulagan? Kailan mo maipagmamalaki sa iyong asawa, mga anak at higit sa lahat sa iyong sarili na wala kang sinagasaang tao at nagawa ang wasto sa iyong buhay? Walang kaakibat na halaga at kapangyarian ang pagtalima sa tamang gawa para sa ating sarili, pamilya at kapwa. Itanong natin sa ating mga sarili ngayon - Boss ba tayo o BusaBoss?


Nagmamagaling ang masama sa pang-aapi sa mga dukha, sinasakmal sila ng kanyang mga pakana.
Mga Awit 10:2

Stronger Than Impressions