Monday, April 7, 2008

MGA LATANG WALANG LAMAN

Lata. . . yari sa manipis na yero, mayroong may laman ay mayroon ding wala. Latang walang laman,pagulungin mo sa lansangan mas maingay pa daw sa batingaw . Sipatin mo ng iyong mga mata , puso man at utak ay wala kang makita. Latang may laman nahihiya at ayaw kumibo, ayaw ipakita at isiwalat talino niyang itinatago. Kaibigan , ano ka ba dito sa dalawang ito? Kanino ka ba pwedeng ihalintulad? Sa latang may laman ba o sa wala?

Ang galing mong magsalita, hindi ka nauubusan ng kwento, napapabilib mo ang mga tao - doble kara pala ang etiketa mo. Maingay kung tuktukin ka, waring nagmamalaki tuwina, ngunit pag ikaw ay sinalat na , butas pala ay iyong bituka. Para kang isang laruan, sa isang paslit ay pang- aliw, sandaling kasiyahan na pahiram mo ay isang malaking hiwa ang dulot mo. Ganyan din ang ibang tao akala mo kung sinong matalino, ngunit kung iisipin mo ang mga sinsabi , wala naman kwenta at silbi. Ang ingay ingay nila, akala mo ay lagi silang bida. Lahat ng pakinabang gusto nilang kamkamin ni ayaw magtira kahit kaunti sa amin. Para kayong mga latang walang laman! Nasa labas at wala sa taguan! Lungayngay ang inyong mga takip,matalim at nakakasakit. Kayong mga latang walang laman, naubos na ang pakinabang, ano’t nakakalat pa rin at naghahari-harian ? Bakit hindi ninyo tularang itong mga latang may laman? Nakakubli sa kanilang taguan, tuktukin man o alugin ay hindi pa rin umiimik? Ayaw nilang kumibo at baka sila ay makasakit, pag sumabog nga naman ang galit matatapon ang laman nilang kipkip. Sasayangin ba nila ang laman na matagal ng iniingatan sa mga latang walang laman lamang? O patuloy na iingatan at sarili’y bubuksan lamang para sa mga taong nangangailangan? Tunog nila ay karimpot tuktukin man ng kutsara ay hindi masakit sa tenga at buong-buo kung uulinigin. Katulad din ng isang tao, na makatuwiran at may talino,madalang man kung umusal may laman at katuturan. Pakikipagkapwa tao ang iniingatan niyang laman, makasakit ng damdamin kanya laging iniiwasan. Alin ka ba dito kaibigan? Sa meron ba o sa wala? Mag-isip ka at tignang mabuti baka dindaya mo pati ang iyong sarili. Kung lata kang may laman ikaw ay biyaya ng langit. Kumakalam naming sikmura, sa gutom at uhaw ay palalayain. Baka naman ikaw ay kabaligtaran? Isang taong nagdudunung-dunungan. Katulad mo ay isang latang walang laman, perwisyo sa kapwa ang nalalaman. Hayyyy..... Ano ba talaga ang iyong pakinabang? Talian kaya kita ng pisi at ipahila sa sasakyan? Tapakan ,sipain at ihulog sa imburnal? O akin kitang pipitpitin at itatapon sa basurahan?


Ang inyong mga kayamanan ay mga bulok, at ang inyong mga damit ay nginangatngat ng mga tanga.
Santiago 5:2

Stronger Than Impressions