Sa ating katawan ay may tinatawag tayo sa wikang Ingles na body orifice . Ito ay isang bukana o butas o bukas na bahagi ng isang tao. Ito marahil ang mga butas na tinutukoy ni tatay kung bakit tayo nabubuhay. Hindi nga naman tayo makahihinga kung walang butas ang ating mga ilong . Bukod sa paghinga, ang ilong ay ginagamit din natin sa mga bagay na may kinalaman sa ating pang-amoy. Hindi ba napakahirap kung ikaw may sipon at barado ang mga butas ng iyong ilong? Buti na lang to the rescue ang mga bibig na kaagapay ng ilong kung siya ay barado at di makalanghap at makapagbuga ng hangin para sa ating katawan. Bukod sa paghinga, gingamit din nating ang ating mga bibig sa pagsasalita , pagtawa at pagngiti, pagkain at pag-inom. Ang lahat ng ipinapasok sa bibig ay tumutuloy sa ating mga bituka papunta sa tiyan at nilalabas sa butas ng ating mga puwit o mga ari sa pamamagitan ng pag-ihi o pagdumi. Kadalasan gingawa natin ang pagbabawas sa butas ng inodoro, butas ng arinola o sa isang butas na hinukay lang sa lupa kung wala ang dalawang nauna (hehehe). Napakalungkot at walang kulay siguro ang buhay kung tayo nga ay may mga mata at walang namang butas ang mga ito. Hindi natin makikita ang bawat isa at tayo mababalot ng kadiliman. At paano natin mariririnig ang magagandang musika, o halakhak ng mga batang naglalaro o ng ibat-ibang tunog at ingay kung hindi dahil sa butas ng ating mga tenga? Napakatahmik at napakalungkot siguro ng mundo. Magpapatuloy kaya ang buhay kung walang butas? Siguro alam nyo na ang iniisip ko. Seryosong tanong lang po at wag lagyan ng malisya. Huwag na nating masyadong ipaliwanag at alam ko naming alam nyo kung paano tayo nabuo. Ito marahil ang ibig ipakahulugan ni tatay na tayo ay nagmula sa butas. Ang maliit na butas ng pagkalalaki(urethra) ay gingamit sa pag-ihi, paglabas ng semilya (ejaculation) sa oras ng pagtatalik. Ang butas naman ng pagkababae (urethra at vagina)bukod sa pag-ihi at pagtatalik ay gingamit din sa “menstruation” at pagluluwal ng sanggol. At kung lumabas na si baby, paano na lang kaya mapakakain at mapalalaki sila kung walang butas ang mga suso ni mommy?(O ng tsupon?)
Hindi lang naman sa tao may pakinabang ang butas. Maging sa lahat ng uri ng hayop, halaman at halos lahat ng nilalang na may buhay . Isipin mo na lang , kung walang mga “stomata” ang dahon ng mga halaman, makapagbibigay kaya ito ng oxygen sa atin at malilinis kaya ang carbon dioxide na inilalabas natin sa ating paghinga? Malalason tayo at masusufocate hindi ba? Lumingon nga tayo sa ating paligid. Alin-alin ba ang makikita nating walang butas? Maaring mayroon pero nakakasigurado ako na ang karamihan na makikita mo ay mayroong butas. Paano na lang kung walang butas ang ating mga kabahayan? Makapapasok at makalalabas kaya tayo dito? Ang mga sasakyan at mga gulong? Uusad kaya ang mga ito patungo sa ating paroroonan? Ang mga gamit, appliances, electronics, musical instruments, ang mga damit at sapatos na isinusuot natin, ang computers at cd’s? Mapapakinabangan kaya natin ang mga ito? Ang mga sisidlan tulad ng bote, garapon, plastic bag o kahon? Ano ang saysay ng mga ito kung walang mga butas? Kadalasan pa nga inaakala natin na perwisyo, problema o trahedya ang butas. Katulad na lang kung nabutas ang bubong natin, butas na mga lansangan, butas na tangke ng tubig o na-flat ang gulong ng ating sasakyan dahil nabutas ito. Ang pagsabog ng mga bulkan at pagbuga ng abo at lahar buhat sa bunganga nito? Pero kung iisipin mo ang butas ay may hatid na biyaya at pakinabang din sa mga taong gagawa o gagamit ng mga bagay na inilalabas nito. Ito ay nagbibigay kabuhayan at bagong pag-asa sa kanila lalung-lao na sa mga mahihirap at naghihikahos. Ngayon ay nasagot ko na ang palaisipan sa biro ni tatay (oo nga pala Apolinar ang tunay na pangalan ni tatay, “Pang” "kung siya ay tawagin ng mga kaibigan. Siguro nagtataka ka kung bakit “Bebang” ang ginamit ko sa pamagat ano?,Sasagutin ko kung itatanong mo.) dahil ganap na ang aking kaisipan. Nalaman, napag-isipan at nabigyan ng katuturan dahil katotohanan na marami sa atin ang hindi nakakapag-isip o nagbibigay ng pansin sa kahalagahan ng butas. Huwag nating maliitin ang butas malaki man o kakarampot sapagkat sa isang abang butas maaring maglagos ang liwanag upang magbigay ng tanglaw sa ating buhay at kasagutan sa ating mga suliranin at katanungan. Kung tayo man ay nagmula sa butas, siguradong dito rin tayo magwawakas . Kapag tayo ay mga nangamatay, ilibing man o sunugin upang maging abo , butas ang huli nating hantungan at himlayan .Kaya lagi tayong maging mabuti at gumawa ng tama sa ating kapwa. Ang butas ay isa lamang biyaya na dapat pasalamatan, nagmula sa Kanya na Siyang tunay na may likha ng ating mga buhay.