Tuwing sasapit ang Pasko, lalung-lalo na kapag ako ay nakakakita ng mga batang paslit na ngangaroling at ang kanilang inaawit ay ang "PASKO AY SUMAPIT" hindi ko maiwasan na sumagi si tatay sa aking alaala. Minsan kasi ay may mga bata na nanapatan sa amin. Nanduruon ako nuong nangyari iyon . Umawit ang mga bata ng ANG PASKO AY SUMAPIT habang si tatay ay nagkamasid sa kanilang harapan at nakangisi. Ang pasko ay sumapit . . . tayo ay mangagsi-awit. . . Natapos ang awit ng mga bata at lahat sila ay nakatingin sa tangan-tangan na mga barya ni tatay na waring hinihintay na iabot sa kanila. "Ulitin ninyo ang inyong awit” sabi ng tatay. Sa pag-aakalang naibigan ng aking tatay ang kanilang awit ay walang tanung-tanong na inulit ang kanta at natapos. Umiling-iling si tatay habang hinithit ang sigarilyo at sinabi “ Ulitin ninyong muli". Inulit nilang muli . . . ang pasko ay sumapit . . tayo ay mangagsi-awit… at natapos. Nagtanong ang isa “ bakit n'yo po pinauulit-ulit ang aming awit? Nakikinig ako at waring interesado sa isasagot at ikakatuwiran ng aking tatay. " Kasi
Ano ang ibig ipakahulugan ni tatay sa kwentong ito.? Bilang pag respeto kay Mr. Levy Celerio na siyang may likha ng awit na ito, hindi ko sinasabing mali ang awit. Ngunit kung pagbabatayan mo tamang panuntunan sa "grammar" sa pagkakalikha sa awit na ito sasabihin mong may katwiran si Tatay Bebang. Huwag na tayong magpaikot-ikot pa at alam ko namang hindi talaga ang awit na ito ang nais niyang tumbukin. Marahil ay may mas malalim pa siyang mensahe na nais ipabatid. Sa buhay ng tao kasi ay mayroon tayong mga kinamulatan at kinagisnan na mga mali. Ito marahil ang nais ipakahulugan ni tatay. Maaring itong mga maling bagay na ito ay ipinamulat ng ating mga magulang o natutunan natin sa kapaligiran na atin ginagalawan. Ang ating daigdig na ginagalawan ay sumasalamin sa kabuuan ng ating pagkatao, sapagkat kung ano ang naririnig o nakikita natin dito ay siyang nagiging batayan ng ating prinsipyo at pangangatuwiran. May mga bagay na alam nating mali sa ating buhay ngunit patuloy nating ginagawa dahil iyon ang itinuro sa atin at tila napakasarap para sa atin na ulit-ulitin. Minsan sadyang matigas ang ulo ng iba kahit pa nga marami na sa kanilang nagsasabi na mali ang ginagawa nila ay patuloy pa rin sila sa ganitong uri ng sistema at ito ang nakikita sa kanila at ginagaya lalung-lao na ng mga kabataan. Marami sa atin ang hindi umuusad tungo sa tunay na pagpapayaman ng ating pagkatao dahil ayaw nating talikuran ang mga mali sa ating buhay at bigyan ng pagkakataon ang pagbabago. May kasabihan tayo na ang yantok raw ay mahirap ng tuwirin kapat naidarang na sa init. Kung bubuksan lamang nating ang ating mga puso at pang-unawa hindi malayong mababago natin sa ating mga sarili ang mga mali at talikuran ang mga ito ng panghabang buhay. Tulad ng isang awit na mali ang mga panitik, maari nating isulat muli ang ating mga buhay upang higit na maging tama at kaayaya sa makaririnig nito. Ang pagbabago tungo sa kabutihan at kagalingan para sa sarili at sa karamihan ay bukas para sa lahat. O ayan, naibahagi ko naman ang isang magandang kwento. Hayaan n'yo at pipilitin kong alalahanin ang lahat upang mai-share ko at kapulutan ng aral. Oo nga pala kaya pala ako napabalikwas ng gising kanina ay kaarawan ngayon ni tatay, Tay! Happy Bithday itong blog na ito ang gift ko sa iyo saan ka man naroroon. O giliw koho . . . miss na miss kita hahaha . . . BEBANG!