Friday, May 25, 2007

ANG UNANO AT ANG BABAENG KAPRE ( Isang Kathang Kwento, Panghagupit sa Tungaw at Bakulaw )

Sa isang liblib na Baryo ng Dagul-ong sa malayong bayan ng Peseria ay may isang unanong nakatira sa gitna ng malawak na gubat . Siya ay si unanong Melong. Ang kubo na tinitirhan ng unano ay napapligiran ng matataas at mayayabong na mga puno at sa dulo ng kakahuyan ay ang kanyang manggahan. . Ang mga bunga nito ay kanyang pinipitas tuwing umaga at inilalako sa pamilihan. Ito ang tangi niyang ikanabubuhay.. Di kalayuan sa kinatitirikan ng kanyang kubo ay isang malawak na tabakuhan na pang-aari ng pinakamayamang tao ng Peseria at ipinasasaka sa kanyang mga kapitbahay at kaibigan. Tuwing umaaga ay nagtutungo si Melong sa kanyang mangagahan upang anihin ang mga prutas. Matataas ang mga puno at malalaki ang katawan at mga sanga nito kung kaya't hirap siyang pitasin isa-isa ang mga bunga lalo pa sa kanyang kalagayan. Tanging ang mga kawayang panungkit na kanyang pinagdugtong-dugtong ang tangi niyang gamit sa pamimitas. Hindi magawang umakyat ni Melong sa mga puno, sapagkat ang kanyang mga kamay at mga hita ay labis na maiigsi at siya ay nangangamba na mahulog mula sa mga iyon. Madalas, tinatanghali siya na dalhin ang kanyang mga prutas sa palengke upang itinda. Kaya matumal ang kanyang benta at maliit ang kanyang kita sapagkat halos lahat ng mamimili ay nakabili na ng prutas sa mga kapwa niya tindero na mas maagang dumarating sa kanya sa pamilihan. Dahil dito ay nagiging tampulan pa siya ng mga kantiyaw . Madalas inaabot ng pagkabulok ang mga mangga niyang hindi nabili kung kaya sa alagang baboy na lamang niya ito ipinakakain. Minsan naiisip ni Melong na kung di ganuon ang kanyang kalagayan ay hindi sana ganuon kaliit ang kanyang kinikita . Inggit at galit ang nararamdaman niya sa mga kapwa niya tindero na mas malaki ang kinikita kaysa sa kanya.

Isang araw, gumising ng maaga si Melong upang umani ng kanyang mga prutas, halos madilm pa at di pa sumisikat ang araw. Linggo nuong araw na iyo, at pag ganitong mga araw ay higit na mas marami ang tao sa pamilihan . Kinuha niya ang kawayang panungkit at lumang kaing sa likod ng kanyang kubo at binagtas ang manggahan habang naghihikab. Madilim ang daanan at mahamog ang kapaligiran. Sabi ni unano " Tamang tama ito, bago sumikat siguro ang araw mapupuno ko na ang aking kaing ng mga manggang aking mapipitas. At mauunahan ko sila sa pamilihan. Tiyak na kikita ako ng mas malaki kaysa sa kanila!!" Pagdating niya sa mangagahan ay agad sinindihan ni unanong Melong ang dalawang sulo na yari sa kawayan upang magbigay ng liwanag sa kanyang pamimitas. Inuna niya ang mga bunga sa mga mabababang bahagi ng puno at isa- isang nahulog ang mga ito sa lupa. " Kailangang mauna ako sa kanila!" sabay dampot isa-isa sa mga nahulog na bunga at ibinuslo sa kawayang kaing ang mga ito.

Halos mapuno na ang sisidlan ng makarinig si Unanong Melong ng isang malaking tinig na sa pakiwari niya ay sa itaas ng mga punong mangga nagmumula. Kahit kinakabahan at natatakot hinanap ng unano ang nagmamay-ari ng tinig. Hinugot niya ang tabak na nakabalibol sa kanyang baywang at isa-isa tiningala ang matatayog na puno . "Sino ka! Magpakita ka! Hindi ako natatakot sa iyo! wika ni unanong Melong. Nang magawi siya sa pinaka malaki at pinakamataas na puno ay tumambad sa kanya ang pagkalakilaki at pagkapangitpangit na nilalang! Isang babaeng Kapre! Halos mabitawan ni Melong ang kanyang tabak sa laki ng pagkasindak. "Unano wag kang matakot sa akin" wika ng kapre "Si-sino ka? "ang natatakot na wika ni Melong. "Ako si Sibalong ang Reyna ng mga Kapre. Hindi mo ba alam na pwede kitang tulungan" ang wika ng kapre. "Paano mo ako matutulungan?" sagot ng unano." Malaki ako, matalino at malakas maari kong gawin ang alin mang nais mong ipagawa sa akin. Nakikita kong hirap na hirap ka sa pamimitas ng mga prutas dahil sa iyong kalagayan. Matutulungan kita sa pamimitas. Kung maibibigay mo din ang ang nais kong hiling." Nag isip-isip ang unano. Higit na madali nga para sa isang kapre na umani ng prutas ng mangga kaysa sa tulad niyang unano. Sumagi sa isip niya na mas malaki ang kikitain niya at magiging sikat siya sa pamilihan. Ano ang nais mo Sibalong! pasigaw na wika ni Melong. "TABAKO! Matagal na akong di nakakatikim at nakahihithit ng tabako! sabi ng kapre. "Hahahahahaha!" halakhak ni Melong na waring nanunuya. "Akala ko ba malaki, matalino at malakas ka? Tabako lang di ka makakuha? Nakikita mo ba ang tabakuhan na iyon?" Sabay turo sa direksiyon na kinalulunanan ng tabakuhan. "Marami duon, pag aari iyan ng pinakamayang tao sa lugar na ito at ipinasasaka sa aking mga kapitbahay at kaibigan!"" Kung gugustuhin mo kayang kaya mong kumuha duon!' ang malakas na wika ni Melong.

Wika ng babaeng kapre " masyadong malayo ang kakahuyan sa tabakuhan na iyon. Kaming mga kapre ay nalulusaw at nagiging abo kung iyayapak namin ang aming mga paa sa lupa. Muling nag-sip ang unano "Ganuon ba? ""Ano ngayon ang gusto mong mangyari?" wika ni Melong. "Ipagnakaw mo ako ng tabako at ipamimitas kita ng mangga! "Ano??? ipagnanakaw kita? Ayoko nga ! Tuturuan mo pa ako ng masama!" galit na tugon ng unano. " Alalahanin mo higit kang kikita at magiging mariwasa ka sa buhay kung gagawin mo ang sinsabi ko!" sagot naman ng Reynang Kapre. Nag-isip ng malalim ang unano na waring sumasang-ayon sa tinuran ni Sibalong. " Ilang tabako ang nais mo? tanong ng unano sa kapre." Isang sako kapalit ng sampung kaing na mangga! tugon ni Sibalong. Lalong lumaki ang mata ng unano. "Sampung kaing ng mangga sa isang sakong tabako? "tanong ni Melong kay Reynang Kapre." Oo! Dalhin mo ang mga tabako dito at ang sampung kaing na sisidlan ng mga mangga tuwing hating gabi at pagbalik mo kinabukasan ay puno na lahat ang mga sisidlan. Muiling nag-sip si Melong at napabuntung-hininga. "Sige, sige Reynang Kapre, babalik ako mamayang hating gabi at ipagnanakaw kita ng tabakong nais mo!" bulalas ni Melong.

Kinagabihan, tinungo ni unanong Melong ang tabakuhan. Dahan-dahan siyang gumapang papalapit sa mga tanim at pinagpipitas ang mga dahon nito. Napuno ang sakong dala ng unano at muling bumalik sa bahay na kubo upang dalhin ang sampung kaing na sisidlan sa manggahan. "Sibalong eto na ang isang sakong tabako at eto ang sampung sisidlan!" sigaw ng unano. " Hahahahahah! Magaling at masunurin na unano!" Sabay kuha sa sako ng tabako at agad nilamukos at binilog ng malalaki niyang kamay at isinubo sa bibig. "Yumao ka na unano at balikan ang mga sisidlan bukas! "Opo Reynang Sibalong" sagot ni Melong at agad na tumalilis. Habang papalayo ang unano ay nilingon niya pa ang manggahan na nagliliwanag sa ningas ng tabako na hinihithit ng pangit na kapre.

Bago pa sumikat ang araw tinungo na ni Melong ang mangagahan lulan ng kanyang kalabaw na may hila-hilang kariton. Nanlaki ang mga mata ng unano sa nasaksihan. Sampung kaing na punung-puno ng mangga! "Hahahahahah! Ang dami nito at magaganda at sariwang-sariwa ang napitas ng kapre! Malaki ang kiktain ko ngayon!" ang natutuwang sambit ng unano. At nagmamadaling binuhat isa-isa ang mga kaing sa kariton at tinungo ang pamilihan. Maagang narating ng unano ang palengke at halos lahat ng kapwa niya tindero ay manghang-manghang nakatingin sa kanya habang isa-isa niyang ibinababa ang mga paninda. Pinagkaguluhan ng mga mamimili ang kanyang mga mangga at maaga itong naubos. Galak na galak na umuwi si unanong Melong . Malaki ang kanyang kinita, sa tanan ng kanyang pagtitinda ay hindi pa siya nakahawak ng gaanoong kalaking halaga ng salapi.!

"Hahahahahahaah! Ingit na ingit sila sa akin! Ang mga paninda nila ngayon ang nilalangaw! Hindi pa yan makikita nyo pa sa mga darating na araw! Hahahahahahahah!" malakas na halakhak ni unanong Melong. Araw-araw at gabi-igabi ganuon nga ang kanyang gingawa, mangananakaw ng tabako at ibibigay kay Sibalong at kinaumagahan ay kukunin na lang ang mga mangga para dalhin sa pamilihan. Nagpakasarap si unano sa kanyang buhay. Lahat ng kanyang kinikita ay itinatapon niya sa bisyo at luho. Naging mayabang na rin siya at tuluyan ng nilayuan ng karamihan. "Hahahahahah! Kahit wala kahit sino sa inyo huwag lang si Reynang Kapre ayos lang sa akin!" pagmamayabang sa sarili ni Unanong Melong. "Hanggang may tabako akong mananakaw at maibibigay kay among kapre kikikta ako! Hahahahahahahah!" Hindi niya alam na ang tabakuhan ay nakatakdang ipagbili sa isang mayamang negosyante upang gawing isang malawak na daan at malaking planta ng abono.

Isang hating gabi ay tinungo ni unanong Melong ang tabakuhan at laking gulat niya ng wala na siyang madatnan ni isang puno ng halaman. Tanging malalking traktora na pambungkal ng lupa at mga burol ng grabra at buhangin ang mga naroroon. Nanlumo ang unano. Ganuon pa man nagtungo pa rin si Melong sa manggahan upang makipagkita kay Reynang Kapre.

" Ang tabako ko? " tanong ni Sibalong. "A... e …. Iani mo muna ako ng mga mangga at bukas pagbalik ko ay dalawang sako ang dadalhin ko sa yo." "Hahahahahahaha! Kung wala kang maibibigay sa akin wala akong maiaani sa yo!" sabi ng kapre." Kaming mga kapre ay hindi gumagawa na walang nahihita! Hindi mo ba alam ng higit na matalino at tuso ang mga katulad naming kapre kaysa sa inyong mga unano. Bakit ako magpapakahirap kung wala akong makukuha sa yo? Hahahahah!" ang malakas na wika ni Sibalong. " Baka pwede mo ako pagbigyan maski ngayon lamang. Marami bumili sa akin ng mga mangga na di ko pa naibibigay at ang kanilang mga ibinayad ay wala na at nagastos ko na." pakiusap ng unano. "Hindi ! Kung pagbibigayn kita mabibigyan mo ba ako ng tabako? Wala ng tabako sa Peseria! " ang sabi ni Sibalong. Lalong nanlumo at nanghina ang unano sa narinig. Alam na rin pala ng Reynang Kapre ang katotohanan

Bumalik ng kubo ang unano na malalim ang iniisip. Alam niyang galit na galit na ang mga pinangakuan niya. Isa-isa rin niyang naisip na lahat ay umiwas sa kanya at ang mga kapitbahay niya ay nawalan ng kabuhayn dahil sa kanya. At nagwika sa sarili " Kung nakuntento lang sana ako sa buhay ko at ay di mangyayari ang mga ito. Nawalan ng mga hanapbuhay ang aking mga kapitbahay at ang kanilang mga anak ay nahinto ng pag-aaral. Ang laking perwisyo ang nagawa ko!" wika sa sarili ni Melong na waring nagsisisi.

Kinaumagahan, nagising si Unano sa mga palahaw ng mga tao sa labas. " Hoy unano! asan yung mga manggang ipinangako mo sa amin. Kung di mo maibibigay ibalik mo ang pera namin. OO nga! Isauli mo na lang ang mga ibinayad namin!" Sigaw ng mga nagagalit na tao.

Lumabas at muling nakiusap si Melong sa mga nagkakagulong tao at siya'y pinagbigyan pa ng isang araw upang maibigay lahat ang mga mangga. Kinagabihan tinungo niyang muli ang manggahan at muling nakiusap sa kapre. "Parang awa mo na. Pagbigyan mo ako 100 kaing ang kailangan ko at hindi kaya pitasin ito sa loob ng magdamag!" pagsusumamo ni Melong Sagot ng kapre. "Kung pagbibigyan ko ang iyong kahilingan mababayaran mo ba ako? Wala ka ng tabakong makukuha sa lugar na ito??? Nanlumo si Unano….batid niyang may katotohanan ang tinuran ni Reynang Sibalong. "Hindi kita mapagbibigyan!!!! Humayo ka na. Kaming mga kapre ay hindi gumagawa ng walang kapalit!" galit na palahaw ng kapre.

Galit na umalis ng manggahan ang unano. Tinungo ang bahay kubo at hinanap ang malaking palakol sa kanyang kahoy na baol! "Hayop kang Sibalong ka makikita mo ang hinhanap mo!" galit na sigaw ni Melong. Dali-daling bumalik si Melong sa kakahuyan at pagdating duon nagwika : "Hoy pangit na kapre! Ang hirap mong pakiusapan . Ikaw ang nagturo sa akin na gumawa ng masama!" Sagot ni Sibalong " Hoy unano hindi kita pinilit!" " A ganuon a! Ito ang dapat sa iyo! sabay taas sa palakol na higit na malaki sa kanya." Hoy unano wag mo akong tinatakot. Tungaw ka lang sa akin!" Pagkawika ng kapre ng ganuon ay sabay at walang tigil na inundayan ng palakol ang malaki at mabilog na katawan ng puno na kinaroroonan ni Sibalong. " Hayop ka Sibalong tinuruan mo akong gumawa ng masama! Nilayuan ako ng mga tao dahil sa iyo! Ang dami kong naperwisyo! Kaya ito ang nararapat sa iyo! Tsak! Tsak! Tsak! ang walang tigil na palakol ni Melong sa puno. " Natataranta ka ano? Akala ko ba tungaw lang ako sa iyo? Akala ko ba higit na matalino, malaki at malakas ka?!!!. Nahintatakutan at nataranta si Sibalong at bago pa man maputol ang puno ay nahulog sa lupa at nadaganan ang pobreng unano. Nalusaw ang pangit na kapre at naging abo. Nalibing ng buhay ang sakim na unanong Melong sa alabok ng ganid na kapre.


"He boasts of the cravings of his heart; he blesses the greedy and reviles the Lord.:

-PSALM 10:3

Stronger Than Impressions