Tuesday, June 17, 2008

HABANG HUMIHIRAP... LALONG TUMITINGKAD, PATULOY NA TUMATATAG

Si Anne Marie Jarvis ang nagpasimula sa pagdiriwang ng Mother’s Day bilang pagdakila sa yumao niyan ina nuong 1905. Ito rin ang nagbigay ng inspirasyon kay Sonora Smart Dodd na ipagdiwang ang Father’s Day bilang pagkilala sa kanyang katangi-tanging ama na mag-isang itinaguyod silang anim na magkakapatid. Animnapu’t pitong taon pa ang lumipas upang ganap na kilalanin ng buong mundo ang pagdiriwang ng Father’s Day.

Mahirap ang buhay sa panahon na ito. Halos lahat ng aking nakakausap ay dumadaing sa taas ng mga bilihin lalo pa nga’t walang puknat ang pag alagwa ng presyo ng krudo at iba pang produktong petrolyo. Isali mo pa ang tustusin sa pagpasok ng pagbubukas ng eskwela. . . Grabe! Kaya karamihan sa atin lalung-lalo na ang mga tatay ay dinodoble ang kayod para matugunan lamang lahat ang panganagailangan ng pamilya. Maraming pagbati ang aking natanggap nuong Father’s Day. Personal, texts, phone call, e-mails, pm’s, friendster widgets. Nakakatuwa at nakaaalis ng pagod. Nagpapasalamat ako sa mga pagbating ito . Sa lahat ng mga greetings natanggap ko , higit kong ikinalugod ang mga pagbating nagmula sa aking asawa at mga anak. Para bang humulas lahat ng pagod, stress at puyat na naranasan ko sa mga nagdaang araw. Pakiramdam ko habang humihirap ang buhay lalong tumitingkad ang kulay ng ang aking pagiging tatay at lalo kong nararamdaman ang appreciation kapalit sa lahat ng aking pagsusumikap. Ang buhay daw ay isang hamon at pagsubok at ito ang araw-araw kong sinasagupa para lalo akong maging matatag para sa kanila. Dinadakila ko ang aking asawa at ang bawat ina ng tahanan (lalo at higit sa mga nanay na sabay na ginagampanan ang tungklin ng isang ama at ina) sapagkat buo ang aking paniniwala na walang hihigit sa kanilang pagkalinga at pag-aaruga at isa ito marahil sa mga katangiang nagpapalakas ng loob kung bakit marami ring mga tatay ang napipilitang maghanapbuhay sa ibang bansa at mapalayo sa kanilang mga minamahal. Napakahirap na desisyon ito at iniisip ko pa lang ay parang hindi ko na kaya. Ayokong lumipas ang kahit isang segundo sa aking buhay na malayo at wala sa piling ng aking mag-iina. Kaya kahit mahirap ang manatili at maghanapbuhay dito, buong sikap kong pinipilit at hindi naman ako pinbabayaan ng Diyos. Malaki ang paghanga ko sa mga tatay na OFW (sa mga nanay din) sa kanilang tapang at tatag.Wala siguro kahit sinuman ang magnanais na mapalayo sa kanyang asawa at mga anak, pero mahirap ang buhay sa Pinas kaya masakit man ito para sa isang ama, pagtitiis at kalungkutan ang nagiging kabayaran kapalit ng isang magandang buhay. Sino bang matinong tatay ang nagnanais na magutom ang kanyang pamilya? Ang responsableng ama ay laging nag-iisip na maibigay ang lahat ng kanyang makakaya materyal man o imateryal para sa lubos na kasiyahan ng kanyang mga mahal sa buhay. Dahil sa hirap ng buhay, marami rin sa mga tatay ang di makatugon sa kani-kanilang responsibilidad na nagiging sanhi ng pagkasira ng kani-kanilang pamilya kasabay ng pagguho ng kanilang mga pangarap. Hindi siguro mangyayari ito kung hindi natin aalisin ang tiwala natin sa atin mga sarili at ang pagsisikap sa abot ng ating kakayahan. At higit sa lahat ang paniniwala sa Diyos na hindi Siya magbibigay ng anumang alituntunin o pagsubok sa ating mga buhay ng hindi natin mairaraos at magagampanan. Mahirap ang maging isang ama pero katulad ng pagiging ina ng isang babae, ito rin ang nagbibigay ng tunay na katuturan sa pagiging ganap ng isang lalaki. Marami sa kalalakihan ang hindi nabiyayaaan ng pagkakataon na maging isang tatay sa kanilang mga buhay .Kaya huwag nating sasayangin ang pagkakataong ito na ibinigay ng Poong Maykapal sa atin dahil isang banal at dakilang gampanin ang nakaatang sa balikat ng bawat nilalang na mga ama. Isipin na lang natin na ang pagiging isang tatay ay kahalintulad ng pagpipintura ng isang mataas at malaking gusali gamit ang napakaliit na brutsa na habang natatapos ay naiibsan ang ating mga lula dahil unti-unti nating nakikita kung gaano kakulay ang ating ginawa o maihahambing natin sa pagtatayo ng isang konkretong pundasyon sa ilalim ng matindi at nakakapasong init ng araw na nilalagyan at pinatitibay ng mga kabilya upang sa paglipas ng maraming panahon ay manatiling nakatayo ng buong tatag. . .

Stronger Than Impressions