Wednesday, May 21, 2008

DAPITHAPON NG ISANG AGILA

Sa kalawakan ng langit, malayang lumilipad ang isang nilalang na animo’y kanyang-kanya ang kawalan. Kinatatakutan ng karamihan ng mga hayop na nabubuhay sa lupa, tubig at himpapawid. Ito ang Agila. Sinasabing ang ibon na ito ay sumasagisag sa kapangyarihan at lakas. Matipuno at matikas na pangangatawan, malapad at mahabang bagwis, matutulis na tuka, matatalim na kuko, at malilinaw na mga mata. Nangangaso ito at lumalamon ng mga kauri ng kanyang laman. Angkin ang mga katangiang ito, sa mahabang panahon ay namayagpag ang agila . Naghari-harian sa kinalulunanan ng kanyang pugad at sa mga lugar na abot ng kanyang pakpak at pananaw. Nagpakabusog sa mga laman ng walang kalaban-laban na mga hayop. Nagpasasa sa kanyang sarili at sa sa kanyang mga inakay. Sa pagdaan ng panahon, unti-unti ng nangaubos ang mga hayop at ang iba’y nagpakalayu-layo na upang malayang makapamuhay ng walang takot laban sa mga kuko ng agila. Mga insektong makukupad gumalaw at mag-isip ang natira at pilit na isinasalba ang mga sarili sa anino ng panganib ng gutom na agila. Makalalayo pa kaya sila habang lalong nagngangalit ang gutom at kahayukan ng kanilang kintatakutan? O hihintayin na lang ang kapalaran na isang araw sila ay dagitin , lamunin at lulunin?

Lumipas ang maraming araw ay unti-unti na ring naubos ang mga insekto at mga kulisap. Wala ng matanaw na mga hayop ang nanlalabong paningin ng agila. Kumupas na ang dating kisig ,liksi at galing sa pandaragit. Gusto niyang lumipad at humanap ng makakain , kakayanin pa kaya ng kanyang lakas? Nag-iiyakan ang kanyang mga inakay sa gutom at uhaw. Nagdadalawang isip ang agila na lisanin ang pugad at baka hindi na siya makabalik at tuluyang lumagapak habang nasa himpapawid. Bulok na at inaamag ang mga sangang pinaglalagyan ng kanyang pugad at ang punong tinutungtungan niya ay nilalamon na rin ng mga anay. Ang mayabong na puno ay unti-unting namamatay at nangangalagas ang mga dahon. Tumingala ang Agila at nakita ang mga maliliit na ibon sa langit na malaya at masayang naglalayag sa hangin. Mahina na ang kanyang mga pakpak at hindi niya na kayang lumipad ng ganuon kataas . Humigpit ang pagkakapit ng mga kuko ng agila sa sangang kanyang kinatatyuan at sinipat ng mga mata ang papalubog na araw. Malamlam ang liwanag ngunit nakasisilaw ito sa kanyang nanlalabong pananaw.Sisikatan pa kaya siya ng liwanag kinabukasan at hahayaang mamatay sa gutom ang mga nag-iiyakang inakay? O sisilaban ang pugad at sarili upang maging abo at magharing muli bago maunahan ng kamatayan?


Ang kahihinatnan nila ay kapahamakan. Ang Diyos nila ay ang kanilang tiyan. Ang kanilang kaluwalhatian ay ang mga bagay na dapat nilang ikahiya. Ang kanilang kaisipan ay nakatuon sa mga bagay na panlupa.

Mga Taga-Filipos 3:19

Stronger Than Impressions