Lumipas ang maraming araw ay unti-unti na ring naubos ang mga insekto at mga kulisap. Wala ng matanaw na mga hayop ang nanlalabong paningin ng agila. Kumupas na ang dating kisig ,liksi at galing sa pandaragit. Gusto niyang lumipad at humanap ng makakain , kakayanin pa kaya ng kanyang lakas? Nag-iiyakan ang kanyang mga inakay sa gutom at uhaw. Nagdadalawang isip ang agila na lisanin ang pugad at baka hindi na siya makabalik at tuluyang lumagapak habang nasa himpapawid. Bulok na at inaamag ang mga sangang pinaglalagyan ng kanyang pugad at ang punong tinutungtungan niya ay nilalamon na rin ng mga anay. Ang mayabong na puno ay unti-unting namamatay at nangangalagas ang mga dahon. Tumingala ang Agila at nakita ang mga maliliit na ibon sa langit na malaya at masayang naglalayag sa hangin. Mahina na ang kanyang mga pakpak at hindi niya na kayang lumipad ng ganuon kataas . Humigpit ang pagkakapit ng mga kuko ng agila sa sangang kanyang kinatatyuan at sinipat ng mga mata ang papalubog na araw. Malamlam ang liwanag ngunit nakasisilaw ito sa kanyang nanlalabong pananaw.Sisikatan pa kaya siya ng liwanag kinabukasan at hahayaang mamatay sa gutom ang mga nag-iiyakang inakay? O sisilaban ang pugad at sarili upang maging abo at magharing muli bago maunahan ng kamatayan?
Ang kahihinatnan nila ay kapahamakan. Ang Diyos nila ay ang kanilang tiyan. Ang kanilang kaluwalhatian ay ang mga bagay na dapat nilang ikahiya. Ang kanilang kaisipan ay nakatuon sa mga bagay na panlupa.
Mga Taga-Filipos 3:19
No comments:
Post a Comment