Sa tuwing lalaban si Pacquiao animo ay tumitigil ang ikot ng mundo para sa mga Pilipino. Walang traffic sa lansangan, walang kriminalidad, tigil ang bangayan ng mga politiko, tigil din ang mga intriga sa showbiz. Lahat matiyagang naghihintay sa karangalang muling ihahatid ng “Pambansang Kamao’ . Nakatutuwang makita na sa oras ng mga labang ito ay panandaliang naguguho ang pader na nakaharang sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap, sa mga magkakagalit sa personal na buhay at sa politika, ang iringan ng gobyerno at ang mga militanteng grupo , at debate sa ibat-bang paniniwala at relihiyon. Sa ganitong pagkakataon umiiral ang tunay na pagkakaisa ng Pilipino. . . kahit man lang sa labindalawang rounds ng boksing ipinakikita natin sa ating mga sarili ang tunay na “concern” at suporta sa isang kapwa Pilipino.
Ang boksing ay tulad ng laban sa hamon ng buhay nating mga Pinoy. Kung saan sinusukat ang tatag di lamang sa lakas, talino, bilis kungdi higit sa lahat ay sa disiplina sa sarili. Kung lahat lamang ng mga katangiang ito ay nasa bawat isa sa atin ay di malayong marating nating ang ninanaais nating patunguhan . Maging halimbawa nawa si Pacquiao sa atin. Sa paglipas ng panahon ay maraming darating pang mga boksingerong tulad ni Pacquiao . Maaaring mas higit pang magagaling . Tayo’y muling magkakaisa, magbubunyi upang ipagmamalaki ang bawat nilang pagwawagi. Kahit man lamang sa ilang oras ng bawat nilang pakikipaglaban sa ibabaw ng ring ay napag-iiisa nila ang mga Pilipino. Mabuhay ang boksingerong Pilipino. Mabuhay ka Pacquiao. Boksing nga lang yata ang makapag-iisa sa atin . . .