Tuesday, September 2, 2008

MGA KOLEKTOR NAGING JANITOR AT KARGADOR, BISOR GINAWANG TAU-TAUHAN, MGA AMUYONG NAGING MGA ADMINISTRADOR (Isang Kwento Mula Sa Telepono)

Tikatik ang pawis ko, galugad ko ang Metro Manila, umaabot pa nga ako ng Cavite, Pampanga, Batangas at Laguna. Kung makapagsasalita lang ang bulok kong motorsiklo matagal na sana itong nagreklamo. Pero wala kami parehong magagawa , kailangan makapaningil sa mga tao sa produktong matagal ng inaayawan at isinusuka, dahil kung hindi baka magalit ang amo kong walanghiya. Sige lang kayod lang, ginagawa ko naman ito alang-alang sa aking mahal na pamilya . Minsan kinakapos, nagagamit ko ang perang ibinayad sa akin ng kliyente, kahit alam kong mali ang mahalaga makakaraos kami sa maghapon at bukas ko na lang iisipin kung kailan at paano maibabalik ang pera sa opisina. Ilan na bang kasamahan ko ang natanggal ng trabaho dahil sa ganitong sistema? Ganuon din naman kasi, gumawa ako ng masama o mabuti, masama pa rin ang iniisip nila dahil sadyang mapaghinala ang tao. Akala mo ba lagi kang nangdaraya? Huwag sana akong matulad sa aking mga kasama, dating kolektor aba’y ginawang janitor at kargador. Yung una kong kasama, dati-rati manibela ng motorsiklo ang hawak-hawak , ngayon maghapong walis at basahan ang tangan-tangan ng pobre. Kung malas-malas pa, haharapin ang masangsang na kasilya, luluhuran at animo’y dinadasalan mapawi lang ang dumi at baho nito. Nakainitan kasi dahil wala ng makolekta sa mga “account” na pinagsawaan ng mga naunang kolektor at matagal ng nilalangaw. Nakalulungkot kung iisipin mo. Sa hinaba-haba ng panahon ganito lang and sasapitin niya. Ito naming ikalawa, nahuling nandaraya sa oras, imbes na mangolekta ay umuuwi daw ng bahay upang mamasada ng tricycle. Hindi ko alam kung totoo o hindi basta ang alam ko ginawa na lang siyang kargador at itinapon at ikinulong sa madilim na bodega. Naging tagasalansan ba ng mga encyclopediang inaamag at nabubulok na? Ito namang dati naming Bisor, nahuling nang-uumit inalisan ng katungkulan at ginawang tau-tauhan. Pero nuong araw akala mo kung sino, laging mainit ang ulo at paangil kung kumausap ng tao.Pero kapag andiyan na ang amo , hindi alam ang gagawin isang sutsot lang akala mo ulol na aso. Nabababahag ang buntot at takot na takot dito. Nakalkal kasi ang gawang multo, pilit mang ikubli hindi na nagawang itago at inamin na lang ng tuluyan. Ayaw mang lisanin ang pwestong noon ay pinamayagpagan at pinagsasaan, pero ano pang magagawa kung pinagtatabuyan na at inaayawan? Ang sakit naman! Parang sasabog and dibdib niya, pakiramdan ko pati mundo niya gumuhong bigla. Wala na ang dati kong Bisor pero alam ko nakatatak na sa kanyang isip at puso ang mapait na alaala, na kahit sino man ay hindi na nanaising balikan pa. Dalangin ko lang huwag sana maulit ang nangyari sa mga taong humalili sa kanya dahil pakiwari ko tila isang sumpa ang pwestong nilisan niya. Kung kamalasan ang inabot ng mga nabanggit ko, aba'y may mga kasama rin naman akong tila jackpot sa lotto ang tinamaan. Utusan dati,tagatipa ng makinilya, taga timpla ng kape, tagasulat ng dikta at yung isa imbestigador ng mga bagay na walang kakwenta-kwenta . . .abay akalain mong naging mga administrador? Kung dati-rati hindi sila pinapansin ngayon sila na ang tinitingala at kinatatakutan ng marami. Sumbong dito, sumbong doon, memo dito at memo duon, ito ang kanilang sandata at sikreto kaya mahal na mahal nga naman ng amo, animo sila lang ang tao na gustong mabuhay sa mundo. Walang pakialam kung nakakasakit o nakapeperwisyo at tila nawala na ang habag sa puso at katinuan ng pagkatao. Eh, ano ba sa kanila kung magsabi sila ng kasinungalingan? Maniniwala ba sa katotohanan at katarungan ang kanilang pingsisilbihan? Pilit silang nilalayuan dahil pakiramdam ng karamihan sila ay dinadarang ng mga katawan nilang nagniningas. Hoy! Nakakaawa kayo! Kahit man lang sa mga anak ninyo mahiya kayo!Namnamin ninyo ang kasarapan dahil ngayon ay malapit na kayo sa tuktok at pag naabot nyo na ang tugatog may masusulingan pa kaya kayo? Paghandaan lang ang pagbulusok dahil kung ano ang ginawa sa kapwa ay siya rin ang aanihing tama at sabay ang galabog. Ito namang mga kasama ko tila mga pipi pa rin at mga bingi. Gumuguho na nga ang templo ng Diyablo ayaw pa ring kumaripas ng takbo.Ngayon pa ba tayo mahihintakutan? Matagal din tayong nagtiis. Inalila at inalipusta. Bakit hindi tayo magsama-sama at ipaglaban ang nararapat? Huwag nating daanin sa kapusukan at galit dahil lahat naman ng bagay ay may kaparaanan at maaaring makuha sa hinahon. Kung may katuwiran bakit hindi natin ipaglaban at panindigan ang prinsipyong ipagmamalaki ng ating mga anak? Huwag tayong panghinaan ng loob dahil humuhupa ang bawat unos na nagdaraan sa ating mga buhay. Patawarin natin ang sa atin ay mga nagkasala , bigyan sila ng mga aral at kalimutan ng ganap. Manalig lang tayo sa ating mga sarili at higit sa lahat sa ITAAS . . . at tinitiyak kong hindi-hindi NIYA tayo pababayaan.

7 comments:

Anonymous said...

Kuya Jess,
parang alam ko yata,,yan,,,,sana mag change sila,,,"what you sow ,you reap..."

Jessie Landingin said...

Tama yang sinabi mo Regie, mapalad ka at pinilit mong makaalis . . . dahil kung hindi sasama lang ang loob mo at masasayang ang iyong kabataan. Congrats sa iyong matalinong desisyon at hindi ka nagkamali! God Bless!

Anonymous said...

Bro,
Makakarma din ang mga yaan! Hindi naman habang buhay anjan sila sa pwesto. Kapag hindi na rin sila pakikinabangan ng Boss nila sisipain na lang isa-isa yan na parang mga bangaw tignan ko lang kung paano ngumalngal sila. Katulad ng ginawa sa iba! History repeats itself!

Jessie Landingin said...

Bro Edgar,
You said that right! Sana makapag-isip sila before they run out of time . . .

Anonymous said...

Jess,
Isa sa pinakamalaking maling decision na nangyari sa buhay ko ay ng mapasok ako sa company na iyan. . . . wala talagang asenso, buti na lang natauhan ako . . .

Anonymous said...

bro habang binabasa ko ang blog mo medyo nakakarelate ako. simple. karamihan sa amo medyo hindi maganda ang asal. Andun ang bastos ang ugali, sakim sa pera kung mamalasin ka tutukan ka ng baril na may halong pananakot.Yung konti namang among mabait, sobra naman ang bait! winawalang hiya na nang mga tauhan wala paring kibo. Puro strike puro demand ang ginagawa , sa trabaho andun sa sulok nagpupusoy nagtsitsismisan nagbbreak na wala pa sa oras.Ang gusto kong makita yung hindi ka masama at hindi ka naman sobrang bait. At wala akong makita na ganung amo. Kasi nga karamihan sa mga pilipino imotional! Sa paanong paraan! mahirap na nga marami pang anak. Akala ko panahon lang ng tatay ko uso. (Pero sa panahon natin dapat hindi na uso, kasi my family planing na!) Pero dito sa amin lugar na skuater, kung sino pa yung walang position sa work sya pa ang maangas at walang kuwentang trabahador at marami pang anak. At higit sa lahat umaasa sa magulang. Kung sino pa yung problema sya pa ang ingitero sa mga katrabaho. kesyo bakit sila hindi umaangat, matagal na sa trabaho pero wala asenso! bakit daw yung kabago bago tumaas agad ang ranggo! Kung ikaw ang amo mapapamura sa galit dahil hindi mo naman kayang tanggalin dahil may security of tenyur na batas. Kung ikaw ang amo saan ka lalagay kung ang mga tauhan mo puro batugan! Kung ikaw naman ang trabahador na may tusong amo saan ka rin lulugar! E yetzky saan naman pumasok yung emotional problem! Kasi nga tayong mga pilipino panay nood ng mga telenobela ! buong buhay natin naka sandal sa mga bidang karakter sa TV!Kaya kalimitan pagdating ni mister galing trabaho Singhal agad ang inabot, hindi muna tinanong kung kumain naba, pagod kaba dear,o maligo man lang pag dating ng hapon para naman si mister kahit badtrip sa work e magbago dahil mabango si kumander! Pero iba ang kalimitang nangyayari! singhal agad kesyo bakit maliit ang iningtregang sweldo! sumbong agad na wala ng bigas! wala ng gatas ni baby! wala ng delatang pag kain! at kailangang ng magbayaD sa tubig at koryebte baka maputulan! E pano naman etong si mrs, naka upo maghapon habang nanonood ng mga telenobela! papano aasenso ang buhay kung araw2 ganun ang lifestyle nating mga pinoy!

Jessie Landingin said...

Totoo yang sinabi mo . . . pero alam mo Bro mas malaki ang aking paniniwala na ang tao ay naghahanapbuhay o namamasukan dahil sa kagustuhan niyang kumita o mabuhay para sa kanyang sarili at mga mahal sa buhay. Kaya nga ibayong pagsisikap at pagtitiyaga ang kanyang ipinamamalas kapag nagkaroon na siya nito. Naniniwala din ako na mas mahirap makatagpo ng employer na mabait at maunawain dahil unang -una na pinangangalagaan niya ang kanyang sariling interest upang mapanatili ang kanyang negosyo kaya minsan nawawala na ang pakikipag kapwa tao dahil iniisip nila na ang kanilang mga empleyado ay bahagi ng kanilang pag-aari at kabuhayan. Mayroon din naman mga Boss na makatao at marunong umunawa sa kalagayan ng kanyang mga kawani lalung-lalo na yaong mga boss na nagmula sa hirap at unti-unting umangat. Sa hanay naman ng mga employee masasabi kong mas maraming responsable kaysa sa hindi, katulad ng sinabi ko ang hanapbuhay para sa karamihan ang pinakamahalagang bagay para makasurvive. Mayroon din namang mga lokong employee lalo na yaong mga tao na alam nila kahit matanggal sila sa kanilang work ay makakaraos pa rin sila dahil alam nilang mayroon sila o may inaasahan. Ang ibig kung sabihin ang hanapbuhay ay higit na mahalaga sa mga taong limitado ang resources o walang nasasandalan o walang kakayahang makasurvive ng wala ito, kalimitan yung mga mahihirap o average ang economic status sa buhay. Regarding naman sa Telenovela, i can say somehow na may epekto rin ito sa ating mga buhay, ngunit ito ay kung paano mo irerelate at iaaplay sa iyong buhay. Pwedeng positively o vice versa nasa tao iyon kung anong approach ang itutugon nya sa mga panoorin na ito. Dahil tayong mga Pinoy nga ay likas na emotional kadalas we see the negative implications ng mga panoorin na ito. Anyways itong mga tvnovela na ito ay mga programa lamang at ako ay naniniwala na ang pinakalayon nito ay makapagbigay ng entertainment sa atin at rating sa station na nagpapalabas dito. Nasa sa atin na kung magpapa apekto tayo, sapagkat ako ay naniniwala na tayo mismo ang gumagawa ng ating mga sariling buhay. REgarding sa telenovela (Koreanovela to be specific), irecommend ko lang yung Kim Sam Soon Philippine version featuring Regine Velasquez as Kim and Mark Anthony Fernandez as Cyrus and also after that yung My Husband's Woman played by Kim Hee Ae as Cassandra, Kim Sang Jung as Jerry, Bae Jung Ok as Jisselle, Hayoo Mi as Rosario and Kim Byung Se as Sammy. The first I mentioned ay pinanunuod namin ng buong pamilya dahil nakakatawa at gustung-gusto rin ng mga anak ko. Maganda ang casting kwela. Lalo na ang mga supporting roles nina Eugene Domingo as Chef Dina, Tessie Tomas as Mrs. Sonia Buot, John Lapus as Marcus, Sheena Halili as Cynthia and Jennica Garcia as Eliza Buot the rest of the cast I wasnt able to mention greatly contributed too for the program's high rating. Yung My Husband's Woman kami na lang ni Kumander ang nanunuod at pinapapasok na namin yung mga bata sa kanilang mga room para matulog na. Medyo inappropriate kasi ang ibang mga dialogues at scenes para sa mga young ones. Try nyong panuorin . . . and see what lessons you can get.

Stronger Than Impressions