Monday, July 28, 2008
LIHAM NI EGIE
Nais kong humiyaw ng pabulong at gisingin ang inyong mga mahimbing na antok. Nagbubulag-bulagan ang mga hindi makakita at ayaw makinig ang mga bingi sa akin. Ayaw n'yo ba akong pansinin at mga sarili lang ang inaatupag? Mga abala kasi kayo sa inyong mga katamaran habang binubusog ang katakawan. Lagi na lang akong nagsasasalita gamit ang pipi kong wika, pilit tinatatas ng utal kong dila ang kaligayahan ng aking kalungkutan. Ninanamnam ko ang tamis ng pait na dulot ng aking pagtitiis, gusto kong liparin ang dagat o languyin ang himpapawid, ipahihiram n'yo ba ang inyong damot sa bagay na nais kong ipaabot? Minsan ako ay nag-iisip kung mangyayari ba ang imposible? Kakayanin kaya ang mahirap? O mamatay na lang sa pagkabuhay? Gusto kong lumaban gamit ang aking karuwagan, ngunit akoy tinatakot ng sarili kong katapangan. Humihingi ako ng kaunting tanggi na sana ako ay tulungan. Samahan n'yo ako sa aking pag-iisa upang makabangon sa aking pagtumba. Natutuwa ako sa kalungkutan at kahit papaano hindi ako pinababayaan, nakakaraos sa kakapusan, at sa kayamanan ng kahirapan. May gagaling pa ba sa malala ? O matutuwa sa hinagpis? Piliin n'yo ang inyong mga ibig at itapon n'yo ang inyong itatabi. Ayun ! Nagkakagulo ang mga tahimik at nag-uunahan sa pagbibigayan. Mananalo ba ang talunan ,? O mabibigo ang magwawagi? Ito ang mga bagay na lagi kong iniisip habang ako ay nakaupo sa aking pagtayo, o himbing sa aking pagkagising sa araw man hanggang sa gabi. Naglalakad ako habang nakahintil, sa maliit na hawla na malawak ang sakop. Nakatingin habang mata ko ay pikit sa mga taong sa akin ay umuusig. Magagalit ba ako sa tuwa? At iiwanan ko sila upang samahan? O talikuran na lang ang aking harapan ng ganap akong maunawaan? Pinupuri nila ako ng kutya, pinag-uusapan sa pagbabalewala, nilalait ng pang-aaba, nililimot ng pag-aalala. Malayung-malayo ako sa malapit kahit isang dipa lang ang aming agwat. Tulungan n'yo akong makawala, ng maging malaya sa kasarinlan. Kailan aalis ang pagbabalik? At isasama ako sa kanilang pag-iwan, sapagkat ako ay nalulungkot sa kaligayahan at hanap ko ay kapayapaan sa kaguluhan. Hindi nila ako maunawaan dahil magulo daw ang malinaw kong sinasabi, binabaligtad ang matuwid, at inililiko ko raw ang deretso. Kahit malalim ang mababaw sa mga bagay na aking sinasabi, mauunawaan mo ang di mo maintindi samahan mo lang ako dito sa aking tabi. Diyos ko bakit mo ibinagay sa akin ito? Biyaya ba? Parusa o ganti ng kapalaran ? Lapatan n'yo muna ako ng lunas at ang isip ko ay kumakawala, ibalik n'yo at isauli sa akin kabaliwan ng aking katinuan. Hinahanap ko ang aking sarili naitago n'yo ba at naitabi? Ipahiram nyong muli sa akin at sa inyo ay isasauli rin.. Ayokong manatili sa silid na ito at bingihin ako ng katahimikan, iparamdam sa akin ang kaunting pagmamahal, palayain na ako at kalagan. Nanaisin ko pang mabuhay sa daigdig na magulo at malupit, kaysa mag-isa sa dilim ng katahimikan at maghintay ng matagal sa kawalan. Putulin n'yo na itong mga tali, buksan ang rehas na bakal at ako ay uuwi. Ibalik ako sa mahal kong tahanan at naghihintay sa akin si nanay . . . .
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment